Ikinakasa na rin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang vaccination plan sa sandaling maging available na ang mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force Commander P/LtG. Guillermo Eleazar, may mga binabalangkas na silang hakbang kung aling unit ng PNP ang unang mabibigyan ng bakuna.
Gayunman, hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Eleazar hinggil sa kung gagawing mandatory o voluntary ang gagawing pagbabakuna at kung anong partikular na brand ang kanilang kukunin.
Magugunitang sa listahan ng Department of Health (DOH), ika-lima ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa mga prayoridad ng mga bibigyan ng bakuna kontra COVID-19.