Nagpatupad ng balasahan ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng isinagawang command conference nuong isang linggo.
Batay sa inilabas na kautusan ni PNP Officer-in-charge (OIC) P/LtGen. Archie Gamboa, epektibo Oktubre 20 ng taong ito ang balasahan sa mga sumusunod na opisyal:
Si P/Mgen Mariel Magaway ang itinalagang director ng PNP Directorate for Intellegence; si P/Mgen. Amador Corpus sa Human Resource and Doctrine Development; P/Bgen. Napoleon Coronel bilang acting director ng Criminal Investigation and Detection Group.
Papalit kay Coronel bilang regional director (RD) ng Central Luzon PNP si P/Bgen. Leonardo Cesneros; habang magiging acting director naman ng Police Regional Office (PRO) 4-B si P/Bgen. Nicerio Obaob kapalit ni P/Bgen. Tomas Apolinario, na inilipat naman bilang deputy director ng Directorate for Intellegence.
Itinalaga bilang hepe ng PRO 8 si P/Bgen. Ferdinand Divina kapalit ni P/Bgen. Dionardo Carlos na inilipat naman bilang bagong pinuno ng Highway Patrol Group (HPG).
Magiging acting director ng PRO 4-A si P/BGen. Vicente Danao kapalit ni P/BGen. Eduard Carranza, na itinalaga bilang acting director ng PNP Logistics and Support Service.
Papalit kay Danao bilang director ng Manila Police District (MPD) si P/Bgen. Bernabe Balba, na dati namang deputy director ng CIDG.
Magsisilbing acting director ng Bicol PNP si P/Bgen. Anthony Alcañeses kapalit ni P/Bgen. Arnel Escobal, na magsisilbing acting director ng Aviation Security Group habang itinalaga namang deputy regional director for administration si P/Bgen. Albert Ignatius Ferro.
Acting director naman ng Police Security and Protection Group si P/Bgen. Marcelo Morales kapalit ni P/Bgen. Filmore Escobal, na ginawang acting director naman ng PRO 11, habang sa Region 2 naman si P/Bgen. Angelito Casimiro kapalit ni P/Bgen. Jose Mario Espino.
Aakyat naman bilang deputy director ng Directorate for Police Community Relations (DPCR) si P/Bgen. Rhodel Sermonia habang magiging acting director ng Police Community Affairs and Development Group si P/Bgen. Joselito Daniel.
Malalagay naman sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) si P/Col. Ronald Lee kapalit ni P/Col. Romeo Caramat Jr. na inilipat naman bilang acting director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, inaprubahan ni Gamboa ang nasabing balasahan salig sa endorsement na nagmula sa PNP Senior Officers Placement and Promotion Board.