Muling nagpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakapatay sa isang tatlong taong gulang na bata sa buy bust operations sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Police Colonel Bernard Banac, spokesman ng PNP, posibleng nagkabulagaan at mabilis ang naging pangyayari makaraang mahalata ng isa sa mga target na suspek na pulis ang bumibili sa kanila ng illegal drugs.
Sinabi ni Banac na ipinagpapalagay nila na ginawa ni Senior Master Sgt. Conrad Cabigao ang tamang police procedure subalit hindi na rin ito makapagpapaliwanag dahil kasama sya sa napatay sa operasyon.
Iginiit ni Banac na nadamay sa crossfire ang batang si Myka Ulpina makaraang gamitin ito ng kanyang ama bilang human shield.
Samantala, sa kabila ng bagong direktiba na mas tututukan na ng PNP ang source o supplier ng illegal drugs, sinabi ni Banac na tuluy-tuloy ang kanilang operasyon sa street level drug pushing bagamat hindi ito kasing tindi kumpara sa mga nagdaang taon.