Muling iginiit ng Philippine National Police o PNP na walang presensya ng international terrorist group na ISIS sa bansa.
Kasunod ito ng inilabas na pahayag ng Islamic State sa pamamagitan ng Reuters na umaako sa pagkasawi ng 18 sundalo sa Tipo-Tipo, Basilan kamakailan.
Ayon kay C/Supt. Wilben Mayor ,tagapagsalita ng PNP, pinaigting na ang kanilang intelligence gathering katuwang ang Armed Forces of the Philippines upang bantayan ang seguridad ng bansa.
Nakita na rin aniya nila ang inilabas na pahayag ng ISIS ngunit napansin nilang maraming butas sa kanilang naging pahayag dahilan upang malagay sa alanganin ang pagiging lehitimo nito.
Appeal to the public
Nanawagan ang Pambansang Pulisya sa publiko na iwasang magpakalat ng mga impormasyon na maaaring makalikha ng takot sa publiko.
Ito’y makaraang kumalat ang isang text message na isang malaking mall umano sa Metro Manila ng target pasabugin ng international terrorist group na ISIS.
Ayon kay C/Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, hindi makatutulong sa sitwasyon ang anumang impormasyon na makalilikha ng takot at pangamba sa nakararami.
Bagama’t walang basehan ang kumakalat na mensahe, tiniyak ni Mayor na hindi ito dahilan para magpaka-kampante sa kanilang panig.
By Jaymark Dagala