Pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan na maging maingat sa mga bibitawang pahayag sa publiko.
Ito’y kasunod ng nangyaring pagpalag sa media ng 2 pulis sa Iloilo na nasibak sa puwesto matapos masampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong administratibo.
Kasunod nito, humingi ng paumanhin si PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos kay Ombudsman Samuel Martires dahil sa mga naging pahayag nila P/LtC. Jonathan Pinuela at P/Capt. Charlie Sustento.
Nabatid na kinasuhan ng grave misconduct, grave abuse of authority at prejudicial to the best interest of service si Pinuela matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa sibilyan.
Habang grave misconduct at conduct umbecoming of a police officer ang inihaing reklamo laban kay Sustento dahil sa pananakit sa isa ring sibilyan.
Paliwanag nila Pinuela at Sustento, naging emosyunal sila sa naging pasya ng Ombudsman sa kanilang kaso at hindi nila matanggap ang desisyon.
Subalit sa halip na dumaan sa due process ay sa media nila ibinulalas ang kanilang sentimiyento at napagtanto nilang mali ang kanilang ginawa kaya’t nais nilang ayusin ito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)