Pinaalalahanang muli ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng kanilang mga unit commander hinggil sa umiiral na one strike policy sa illegal na sugal.
Kasunod ito ng naging babala ni PNP Chief General Archie Gamboa sa isang panayam sa radyo na sisibakin sa puwesto si QCPD Director Brig. Gen. Ronnie Montejo kung hindi maaayos ang problema sa sugal sa nasasakupan nito.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. General Bernard Banac, ang pagtawag ni Gamboa sa atensyon ni Montejo ay batay na rin sa mga impormasyong nakakarating sa tanggapan ng PNP Chief.
Nilinaw naman ni Banac na hindi sini-single out si Montejo bagkus ay paraan na rin ng pagbibigay babala sa iba pang mga unit commanders na kumilos laban sa illegal na sugal.
Dagdag ni Banac, asahan na ang muling paiigtinging kampanya ng pulisya laban sa illegal gambling sa susunod na pitong buwan lalo na sa NCR, Central Luzon at CALABARZON kung saan namamayagpag ito. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)