Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidatong mangangampaniya sa gitna ng Huwebes at Biyernes Santo.
Ito ay alinsunod sa calendar of activities na ipinasa sa kanila ng Commission on Elections (Comelec) kung saan, ipinagbabawal ang pangangampaniya sa darating na Abril a-14 at a-15 bilang paghahanda sa darating na Semana Santa.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, iniutos na niya sa kaniyang mga tauhan ang mahigpit na pagbabantay sa mga pampublikong lugar sa mga nabanggit na araw kung saan, ang mahuhuling kandidato, partido at tagasuporta na lalabag ay kanilang irereport sa tanggapan ng komisyon.
Inatasan narin ni Carlos ang lahat ng field commanders na siguraduhin ang Police visibility at pagtatatag ng mga Police Assistance Centers sa mga lugar na tradisyunal na dinudumog ng mga tao sa panahon ng Semana Santa. — sa panulat ni Angelica Doctolero