Kumikilos na ang mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group o PNP-HPG para bantayang maigi ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na pilit pa ring sumusuway sa quarantine protocols tulad ng mga Bus at Jeepney.
Ito’y matapos i-anunsyo ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na asahan na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng border controls partikular na sa NCR plus o mga lugar ng Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal kahit ibinaba na sa MECQ ang Metro Manila.
Batay sa inilabas na memorandum ni PNP Directorate for Operations Chief P/MGen. Alfred Corpus, inatasan nito ang NCRPO, Central Luzon at CALABARZON Regional Police na maglabas ng Temporary Operators Permit (TOPs), Official Violator’s Receipt (OVR) at Traffic Citation Tickets sa mga mahuhuling lumalabag.
Kabilang sa mga paglabag na tututukan ng PNP ay ang overloading, hindi pagsunod sa physical distancing, hindi pagsusuot ng facemask at face shield gayundin ang limitadong kapasidad sa mga pampublikong sasakyan salig sa panuntunan ng IATF.
Paliwanag ng PNP Chief, kailangan nilang gawin ang mga ganitong paghihigpit lalo pa’t kailangang malimitahan lang sa mga working APORs ang mga papayagang bumiyahe sa nabanggit na mga lugar
Sinumang tsuper na susuway sa mga ipinatutupad na panuntunan ay makatatanggap ng ticket mula sa PNP kalalip ang karampatang parusang ipapataw sa kanila.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)