Pinakikilos na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang mga tauhan nito para hulihin ang sinumang magtatangkang magpaturok ng ikatlong dose ng bakuna kontra COVID-19 sa Metro Manila
Ito’y ayon sa PNP chief kasunod na rin ng banta ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na ipakukulong ang sinumang mahuhuling mananamantala sa nagpapatuloy na pagbabakuna kontra sa nakamamatay na virus
Ayon kay Eleazar, seryoso silang ipatupad ang batas lalo pa kung suportado ito ng mga ipinasang ordinansa ng iba’t ibang bayan at lungsod sa NCR na nakasalig sa ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council na humihimok sa mga alkalde na parusahan ang mga kukuha ng booster shots
Apela ng PNP chief sa mga mapagsamantala, tigilan na ang maling gawain at magmalasakit sa kapwa lalo’t marami pa rin ang hindi nababakunahan kahit unang dose pa lamang kontra COVID-19
Aminado si Eleazar na may pagkukulang pa rin sa suplay ng mga bakuna, kaya’t dapat na isaalang-alang din ang kapakanan ng kapwa kahit pa may paparating na karagdagang suplay ng mga bakuna