Nagbukas ang Philippine National Police (PNP) ng mga karagdagang pasilidad sa Kampo Crame para duon i-quarantine ang kanilang mga tauhang magpopositibo sa COVID-19.
Ito’y sa gitna na rin ng muling pagtaas ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay buhat nang pumutok ang pagkalat ng Omicron variant.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, nasa 80 kama ang idinagdag sa Training Service facility habang nasa 100 kama naman ang inilagay sa Badminton Court.
Paliwanag ng PNP Chief, ang hakbang ay pro-active sakaling dumami pa ang mga tauhan nilang kailangang i-quarantine ngunit mananatili pa rin ang Kiangan quarantine facility bilang pangunahing pasilidad para sa mga may mild symptoms.
Habang maaaring mag-home quarantine naman ang mga tauhan ng PNP na asymptomatic at kailangang lang na iulat ang kanilang pang-araw araw na kondisyon sa nag-mo-monitor na medical team. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)