Nagdeklara na ng Suspension of Offensive Police Operation (SOPO) ang Philippine National Police (PNP) laban sa Communist Party of The Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, alinsunod ito sa idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebelde.
Epektibo aniya ang sopo kaninang alas dose ng hating gabi, Marso 19 at tatagal hanggang Abril 15.
Kasunod nito, sinabi ni Gamboa na inilagay na nila sa defensive posture, disaster response at public safety mode ang lahat ng National, Regional, Provincial at District Police Maneuver Unit na bahagi ng internal security operations.
Aniya, gagamitin aniya ang mga nabanggit na police unit para umalalay sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.
Gayunman, inatasan pa rin ni Gamboa ang pulisya na manatiling nakaalerto laban sa mga posibleng pag-atake ng mga rebelde at iba pang armadong grupo.