Pagtitiwala, paggalang at pagsunod sa mga aral ni Allah ang siyang makapagbibigay ng ganap na kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
Ito ang mensahe ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong araw.
Ayon sa PNP Chief, hangad niyang magpatuloy ang paggalang at pagtitiwala ng bawat Pilipino anuman ang paniniwala at kanilang kinabibilangang pananampalataya.
Hangad ng PNP na muling mabawi ang tiwalang ito ng publiko sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay, tapat at dalisay na paglilingkod sa mga Pilipino.
Kaisa aniya ang PNP ng buong sambayanang Pilipino partikular na ng mga kapatid na muslim sa pagdiriwang na ito at umaasa siyang maabot na ng bansa ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran para sa lahat.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)