Mahigpit na pinaalalahanan ng pambansang pulisya ang publiko lalo na ang mga magsisipag-bakasyon ngayong Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Wilben Mayor, dapat silipin ng publiko ang inilathala nilang mga safety tips sa kanilang website upang makaiwas sa anumang aberya sa papalapit na okasyon.
Gayunman, tiniyak ni Mayor na wala silang nakikitang banta sa seguridad at tuluy-tuloy aniya ang isinasagawa nilang intellegence gathering para siguruhing ligtas ang publiko sa anumang banta.
Mula pa noong Miyerkules, ipinakalat na ng PNP ang kanilang mga tauhan sa mga areas of convergence o iyong mga matataong lugar tulad ng pantalan, terminal ng bus at paliparan bilang pagsisimula ng Oplan Ligtas Sumvac o Summer Vacation.
Social media
Umapela din ang PNP sa publiko lalo na ang mga gumagamit ng social media na huwag nang i-post pa sa facebook, twitter at instagram ang mga plano ngayong Lenten season vacation.
Ayon kay Mayor, ito ay upang hindi masalisihan ng mga kawatan ang mga kabahayan lalo na kung iiwan itong walang tao.
Sinabi ni Mayor na posibleng magkaroon ng ideya ang mga kawatan kung sino at anong bahay ang posible nilang targetin.
Pagtitiyak naman ng PNP, mayroon silang mga pulis na roronda sa mga komunidad ngayong Semana Santa kasama ang mga force multiplier gaya ng mga barangay tanod.
MMDA
Inanunsyo ng Metro Manila Development Authority o MMDA na lifted ang number coding scheme para sa mga bus sa darating na Miyerkules Santo.
Nakasaad sa nasabing kautusan na pirmado ni MMDA Chairman Emerson Carlos, layon nitong magbigay daan sa mga pasahero’t bakasyunistang magsisipagbiyahe ngayong Holy Week.
Pagtitiyak pa ng MMDA, sapat ang kanilang mga tauhang ipakakalat sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila at kalapit na lalawigan upang siguruhing maayos ang magiging daloy ng trapiko lalo na sa mga lugar na madalas magkaroon ng trapik.
Katuwang ang MMDA ng Philippine National Police sa inilunsad nitong Oplan Ligtas Sumvac o Summer Vacation na magbibigay seguridad sa mga magsisipag-biyahe ngayong Semana Santa.
By Jaymark Dagala | Meann Tanbio | Jonathan Andal