Nagpaalala ang Philippine National Police sa mga estudyanteng makikilahok sa pilot implementation sa December 6.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, kailangang maging maingat at mapagmatyag ang mga estudyante laban sa mga masasamang loob na naglipana sa paligid ng mga eskuwelahan.
Sinabi ni Carlos na ang mga pulis ang siyang dapat na nagbibigay ng seguridad at katahimikan sa isang lugar, na may limitadong presensiya sa loob ng eskwelahan maliban na lang kung magkakaroon ng emergency o hihihingi ng police assistance ang pamunuan ng eskuwelahan.
Hindi rin dapat pakalat-kalat sa loob ng paaralan ang mga pulis na may dalang mga baril.
Matatandaang nag-viral ang isang larawan at video hinggil sa presensiya ng ilang pulis na may nakasukbit na mahahabang armas habang nasa loob ng classroom sa unang araw ng in-person classes sa Pangasinan.
Nangako naman si Carlos na magiging mahigpit ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng seguridad sa pagbabalik ng face-to-face classes sa metro manila at iba pang lugar laban sa kriminalidad sa bansa. —sa panulat ni Angelica Doctolero