Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa pinal ang naitatala nilang bilang ng mga nasawi bunsod na rin ng pananalasa ng bagyong Odette.
Ito’y matapos pagmulan ng kalituhan ang mas maraming bilang ng mga nasasawi ng PNP kumpara sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba, nakabatay sa blotter ng pulisya mula sa iba’t ibang himpilan nito ang mga naitatala nilang nasawi at sugatan.
Kanila itong isinusumite sa Office of the Civil Defense para isailalim sa validation katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tiniyak naman ni Alba na maingat ang PNP sa pag-uulat ng datos upang masigurong walang madodoble o hindi kaya’y makaliligtaan sa bilang. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)