Ikinatuwa ng Philippine National Police o PNP ang ginawang pagpuri ng Commission on Human Rights o CHR sa naging pagtrato ng kanilang mga tauhan kay Lolo Nardo Floro.
Si Lolo Narding ang 80 anyos na pinagsilbihan ng Asingan Municipal Police Station ng Warrant of Arrest mula sa Korte dahil sa iligal na pag-ani nito ng humigit kumulang na 10 kilo ng mangga.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, nagpasalamat sila sa CHR sa pagkilala nito sa mabuting ginawa ng mga Pulis na isailalim sa kanilang kostudiya sa halip na ikulong ang pobreng si Lolo Nardo.
Pinuri rin ni CHR Spokesperson Atty. Jackie De Guia ang ginawang pag-aambagan ng mga pulis upang maitustos sa piyansa ni Lolo Nardo na nagkakahalaga ng 6 na libong piso.
Gayunman, sinabi ni Carlos na labas na sa kanilang poder ang mungkahi ng CHR na idaan na lamang sa amicable settlement ang kaso ni Lolo Nardo dahil ito’y kasalukuyan nang dinirinig sa Korte. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)