Nagpatupad ng balasahan ang Philippine National Police o PNP sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pulisya habang naghahanda ito sa muling pagsabak sa war on drugs.
Sa isang memorandum, tinanggal si C/Supt. Joseph Adnol bilang pinuno ng PNP Drug Enforcement Group o PNEG at ipinalit sa kanya si Sr. Supt. Albert Ferro, epektibo sa Lunes, Disyembre 11.
Magugunitang nagpahayag ng pagtutol si Adnol sa ideyang lagyan ng mga body cameras ang mga pulis na sasabak sa mga operasyon.
Si Adnol ay dating Deputy Regional Director for Administration sa Western Mindanao habang naglingkod naman si Ferro sa Firearms Explosive Division bago itinalaga bilang PDEG director.
Samantala, inilipat naman sa kampo krame si Director Manuel Felix na hepe ng Directorate for Integrated Police Operations habang si C/Supt. Cedrick Train na pinuno ng PNP Soccsksargen ang ipinalit kay Felix.
Inilipat naman ang hepe ng maritime group na si C/Supt. Marcelo Morales sa PNP Regional Office sa Soccsksargen at ipinalit sa kanya si C/Supt. Rodelio Jocson.
Iniluklok din si C/Supt. Renato Angara, hepe ng PNP Cagayan Valley, bilang bagong direktor ng Information Technology Management Services o ITMS.
Mula naman sa office of the chief PNP, itinalaga si Sr. Supt. Petronelli Baldebrin bilang bagong hepe ng PNP Cagayan Valley.