Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa anumang tulong o pag-alalay na kailangan para sa mga nasalanta ng bagyong Maring.
Kasabay nito, puspusan na rin ang ginagawang road clearing operations ng pulisya sa mga lugar na matinding hinagupit ng nagdaang bagyo.
Aminado si PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na sa kabila ng kanilang mga babala ay marami pa rin ang naipit sa kanilang mga tahanan sa takot na malimas ang kanilang mga naipundar.
Wika niya, nauunawaan niya ang ganitong sitwasyon lalo pa’t hindi inaasahan ng mga residente na maaapektuhan ang kanilang lugar ng mga pagbaha o pagguho ng lupa at dahil na rin sa pangambang mahawaan ng COVID-19.
Kaya naman sinabi ni Eleazar na kabilang sa mga plano na kanilang ikakasa sa tuwing may kalamidad ay kung paano makaiiwas sa banta ng virus nang hindi nalalagay din sa balag ng alanganin ang buhay at kaligtasan ng publiko sa panahon ng sakuna. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)