Handa ang Philippine National Police (PNP) sa anumang pag-atake ng New People’s Army (NPA) habang papalapit na ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Disyembre 26.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas ay kasunod na rin ng nangyaring pag-atake ng mga rebelde sa pulisya nitong Huwebes sa Brgy. Balicua, Tubungan Iloilo.
Pinasabugan ng mga rebelde sa pamamagitan ng isang landmine ang police mobile patrol sa nasabing lugar subalit masuwerteng walang pulis na nasugatan.
Disyembre 15 nang pasabugan din ng mga rebelde ang dalawang military truck na maghahatid lang sana ng tulong sa mga biktima ng kalamidad sa Brgy. Sogoy, bayan ng Castilla sa lalawigan ng Sorsogon.
Habang nasawi rin ang isang pulis sa landmine ambush na ginawa ng mga rebelde sa Brgy. Logero, bayan ng Marabut, lalawigan ng Samar nuong Disyembre 10
Una nang nanindigan ang pamahalaan na hindi magdideklara ng tigil putukan sa mga rebelde ngayong kapaskuhan dahil sa hindi naman ito sinusunod at sa halip ay ginagamit pa upang makapagpalakas ng puwersa.