Handa na ang Philippine National Police (PNP) sa full implementation ng face-to-face classes sa bansa na magaganap bukas, November 2.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, nakafull-alert na ang kanilang ahensiya hanggang November 4 dahil sa long weekend at paggunita ng All Saints Day at All Souls Day.
Mananatili namang nakatutok ang deployment ng mga pulis sa metro manila, habang desisyon na ng mga regional police director kung papalawigin ito sa kanilang lugar.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na kailangan pa ring magkaroon ng police assistance desk sa paligid ng mga eskwelahan para umalalay sa mga mag-aaral, magulang at guro.
Sa ilalim ng Department of Education Order no. 44, magsisimula sa November 2 ang full implementation ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan habang desisyon na ng mga pribadong paaralan kung susunod dito.