Isinailalim na ng Philippine National Police (PNP) sa pinaka-mataas na security alert status ang lahat ng kanilang unit, matapos ang magkakasunod na pambobomba sa Mindanao.
Ito, ayon kay PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ay upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa ibang bahagi ng bansa, lalo sa Metro Manila.
Umapela naman si Danao ng pang-unawa sa publiko, lalo sa mga commuters, dahil sa ipinatutupad na mas mahigpit na security measures sa lahat ng public transportation hubs.
Dapat anyang sumunod ang mga mananakay sa random inspections ng mga pulis, dahil kailangan ito para na rin sa kanilang proteksyon.
Hinimok din ni Danao ang publiko na agad isumbong ang sinumang kahina-hinalang tao maging ang kanilang mga aktibidad at unattended items, tulad ng mga bag na naiiwan sa kalsada.