Naka full alert ang Philippine National Police para sa paggunita ng Undas sa buong kapuluan.
Ayon kay Chief Supt Wilben Mayor, Spokesman ng PNP, nakalatag na ang security measures na ipatutupad upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa paggunita ng Undas.
Tiniyak ni Mayor ang police visibility sa mga lugar na dadagsain ng mga tao tulad ng bus terminals, airport, seaports, simbahan at mga sementeryo.
Kasabay nito ay pina alalahanan ni Mayor ang publiko na, agad alamin kung saan nakapuwesto ang mga pulis kapag pumupunta sa isang lugar at sumunod sa mga ipinatutupad na regulasyon.
“Bawal po ang magdala ng mga bladed weapons, ‘yan po ay sinisita pagpasok pa lang ng sementeryo. Bawal din ang gamit sa pagsusugal at malalakas na speaker na speaker at radyo dahil nakaka istorbo yan sa mga kasamahan natin sa sementeryo. As much as possible kung may kasama silang mga bata, ay bigyan po nila ng I.D.”
Ayon kay Mayor, wala naman silang impormasyon hinggil sa mga nais lamang manggulo sa panahon ng Undas.
Bagamat umaasa anya sila na maayos na mairaraos ng mga Filipino ang okasyong ito, nakahanda naman ang buong puwersa ng pulisya sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
“Ang Philippine National Police po naman ay nakahanda na sa lahat ng ganitong klaseng sitwasyon lalo na at mayroon tayong ongoing at malaking event yung APEC. Kaya ang ating kapulisan ay naka alerto naman po, dadami po yung kapulisan sa istasyon. Ngayon, yung mga special units natin ay ready rin po to respond to any situation,” paliwanag ni Mayor.
By: Len Aguirre | Ratsada Balita