Nagdeklara na ng full alert status ang Philippine National Police (PNP) sa limang Police Regional Office nito.
Sa inisyung memorandum mula sa Directorate for Operations Office ng PNP, simula ala-1 ng madaling araw kanina, epektibo na ang full alert status sa National Capital Region (NCR); Region 3-Central Luzon; Region 4A-Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON); Region 4B-Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan (MIMAROPA) at Region 5-Bicol.
Binigyan naman ng discretion ng PNP ang iba pang Regional Police Offices na magtaas din ng alert level sa kanilang nasasakupan kung kinakailangan.
Ang pagtataas ng alerto ay ginawa matapos ang deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency sa buong bansa at pagtataas sa Code Red Sub Level 2 dahil sa dumaraming kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19). —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)