Nakaalerto ngayon ang Philippine National Police o PNP kasabay ng ika-49 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines o CPP.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, pinakikilos nila ngayon ang lahat ng kanilang tactical units para sa mas coordinated na opensiba kasama ang Armed Forces of the Philippines o AFP laban sa natitirang guerilla fronts ng NPA.
Sinabi pa ni Carlos na mayroon ring kautasan sa lahat ng police units sa bansa na maglunsad ng counter measures sa posibilidad ng pag-atake ng NPA.
49th Founding Anniversary
Ginugunita ng Communist Party of the Philippines o CPP ngayong araw, December 26 ang kanilang 49th founding anniversary.
Bagamat may umiiral na unilateral ceasefire, sinabi ni CPP Founding Anniversary Founder Jose Maria Sison na mananatiling nakaalerto ang kanilang hanay sa posibleng pagsalakay ng puwersa ng pamahalaan.
Batay naman sa kuwento ng tagapagsalita ng NPA na si Jorge alyas “Ka Oris Madlon” kahit umiiral ang anim na buwang unilateral ceasefire noong nakaraang taon at patuloy pa rin ang militar sa paged-deploy ng mga sundalo sa mahigit 500 ‘barrio’ sa iba’t ibang panig ng bansa.
Una nang nagdeklara ng tigil-putukan si Pangulong Duterte na epektibo simula pa noong alas-6:00 ng gabi ng December 23 at magtatapos mamayang alas-6:00 ng gabi ngunit manunumbalik ang pag-iral nito pagsapit ng alas-6:00 ng gabi ng December 30 hanggang alas-6:00 ng gabi ng January 2 sa susunod na taon.
By Ralph Obina / Arianne Palma