Nakafull alert na ang Philippine National Police (PNP) matapos ang pagputok ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge LT. Gen. Vicente Danao Jr., mahigpit na minomonitor ng kanilang ahensya maging ng Bulusan Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang kundisyon ng Bulkang Bulusan.
Mahigpit ding tinututukan ang mga apektadong residente na ngayon ay inilikas na sa ligtas na lugar matapos ang phreatic explosion ng nasabing bulkan.
Nanawagan din ang Bulusan MPS at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga residenteng nananatili parin malapit sa 4-kilometer permanent danger zone na lisanin muna pansamantala ang kanilang tirahan para sa kanilang kaligtasan laban sa ashfall mula sa bulkan.
Tiniyak ni Danao na handa ang mga tauhan ng PNP na tumugon sa anumang hindi magandang pangyayari sa nabanggit na lugar.
Samantala, nakikipag-ugnayan narin ang mga tauhan ng Juban Municipal Police Station sa Juban Fire Station para bombahin ang mga abo na nagkalat sa kalsada sa Juban, Sorsogon.