Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang anumang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ng pangulo hinggil sa mala-martial law na pagpapatupad ng mga polisiya sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil na rin sa mga pasaway na lumabag dito.
Ayon kay PNP deputy chief for operations at Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kanilang naiintidihan ang pagkadismaya ng pangulo sa mga sumusuway na Pilipino sa ECQ.
Ito aniya ang dahilan kaya nabanggit ni Pangulong Duterte ang hinggil sa martial law.
Kaugnay nito, sinabi ni Eleazar na kanila pa ring ipinauubaya sa pangulo at mga crisis managers nito ang pagpapasiya hinggil sa mga ipatutupad na bagong panuntunan para tuluyang mapabagal ang pagkalat at mapababa ang bilang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa pinakahuling datos ng PNP, pumalo na sa mahigit 120,000 ang mga naitatalang lumabag sa panuntunan ng ECQ —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).