May tatlo nang kumpirmadong kaso ng delta variant ng COVID-19 ang hanay ng PNP.
Ito ang inihayag ni administrative support to COVID-19 operations task force commander at deputy chief PNP for administration P/Lt. Gen. Joselito Vera Cruz batay sa datos mula sa PNP health service.
Aniya, Hulyo pa nang magpositibo sa virus ang tatlo at nakatapos ng 14-day isolation, subalit agad silang isinailalim muli sa RT-PCR test nang lumabas ang resulta ng genome sequencing ngayong buwan lang, isa sa mga ito ang nagpositibong muli sa virus, kaya’t dinala agad ito sa isolation facility ng lokal na pamahalaan.
Ang isa pa ay negatibo naman sa virus, subalit naka-home quarantine at muling isinailalim sa swab test kahapon habang ang isa pa ay naghihintay na lamang ng resulta ng kaniyang re-swab at kasalukuyang naka-home quarantine.
Samantala, sumampa na sa mahigit 32,000 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kabilang na ang 3 delta variant carrier.