May nasisilip nang motibo ang Philippine National Police (PNP) sa pagsabog sa loob ng isang pampasaherong bus sa Zamboanga City kahapon na ikinasawi ng 1 katao.
Ayon kay PNP Region 9 Director Chief Supt. Miguel Antonio, extortion at terorismo ang nakikita nilang motibo sa naturang pagsabog na may kaugnayan din aniya sa unang pagsabog ng isang granada sa harap ng fire volunteer station sa Lamitan City, Basilan.
Sinabi ni Antonio na nag-iwan pa ng extortion letter ang mga suspek sa Biel Transit Company na binantaan ng mga itong may gagawing masama kung hindi ibibigay ang hinihingi nilang protection money.
Inihayag ni Antonio na kilala ang grupo ng mga suspek sa Basilan bilang nangunguna sa mga extortion activities bagamat hindi direktang tinukoy kung Abu Sayyaf ito.
By Judith Larino