Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakatutok sila sa kaso ng karumal-dumal na pagpatay sa 16-anyos na dalagita sa Barangay Bangcal Lapu-Lapu City.
Ayon kay Senior Superintendent Bernard Banac, Spokesman ng PNP, hindi na nila aantaying pakilusin sila ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado si Banac na sa ngayon ay blangko pa ang pulisya, kung sino o sino-sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Matatandaan na natagpuan ang labi ng dalagitang si Christine Saliwan na tadtad ng saksak at binalatan pa ang mukha.
May mga indikasyon rin na hinalay ang biktima.
“Lahat ng anggulo na ‘yan ay posible, maaaring pagnanakaw at posible rin na may pagtangka talaga sa dalagita, lalo nang matagpuan ang kanyang bangkay ay wala nang suot na pang-ibaba so ito ang tinitingnan ngayon ng ating crime laboratory.” Pahayag ni Banac
Ayon sa Lapu-Lapu City Police Office, nagsisilbi ang biktima bilang church collector sa Sacred Heart Parish Church sa Barangay Pajac tuwing alas-6:00 ng gabi ng Linggo pero hindi na ito nakauwi simula noong Marso 10.
Sinisilip na ng pulisya ang closed-circuit television ng simbahan upang mabatid kung sino ang huling kasama ni Silawan bago ito pinatay.
(Ratsada Balita Interview)
Bata pinainom ng asido ng sariling ama; suspek nagpakamatay
Patay naman ang 4-taong gulang na lalaki matapos painumin ng muriatic acid ng sariling ama sa Tondo, Maynila.
Nagpakamatay naman ang suspek sa pamamagitan din ng pag-inom ng asido.
Ayon kay Manila Police District Public Information Officer, Supt. Carlo Manuel, matinding selos ang nag-udyok sa suspek upang patayin ang anak at magpatiwakal.
Simula aniya nang umuwi ang asawa ng suspek mula Qatar ay lagi na itong nagseselos sa mga nakikitang comment sa Facebook ng mga lalaking dayuhan.
Samantala, sasailalim naman sa counseling ang ina at kapatid ng mga biktima.—Drew Nacino
—-