Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Health (DOH) para sa pagbalangkas ng mga hakbang laban sa banta ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, bahagi na rin ito ng pag-iingat sa posibilidad ng pagpasok sa Pilipinas ng nabanggit na bagong virus mula Wuhan City, China.
Kasunod nito, sinabi ni PNP Spokesman Brig. General Bernard Banac na pinakikilos na ang kanilang units na mayroong chemical, biological, radiological, nuclear and high yield explosives para magsilbing frontliners.
Kabilang aniya rito ang Special Action Force (SAF), crime laboratory at health service.
Tiwala naman si Banac na sapat ang kakayahan at kagamitan ng bansa para harapin ang problemang pangkalusugan ng maaaring idulot ng nCoV dahil nagkaroon na ng health emergencies noong 2003 at 2015 bunsod naman ng SARS at MERS-CoV.
Pagtitiyak pa ni Banac, bibigyan ng agarang atensiyong medikal sa PNP general hopital sa Kampo Krame sakaling magkapagtala ng mga pulis na nahawaan ng nCoV. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)