Nalansag na ng Philippine National Police (PNP) ang backbone o gulugod ng distribusyon ng iligal na droga sa Manila at Mindanao.
Ito ang inihayag ng PNP, matapos maaresto ang dalawang mahahalagang personalidad sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Ayon sa PNP, naaresto noong Disyembre 5 ang mga drug suspek na sina Marlon Bayan at Guimalodin Ebrahim sa isang buy bust operation malapit sa SM Bicutan sa Parañaque City.
Anila, kilala ang dalawa bilang regular na tiga-pagdeliver ng shabu mula manila patungong mindanao at bahagi rin ng isang malaking grupo ng drug traffickers na karamihan ay tiga-Mindanao pero naka-base sa southern Metro Manila.
Sinabi ng PNP, bahagi ang ikinasang buy bust operation ng kanilang Case Operation Plan Blood Stone (COPLAN) na inilunsad ng drug enforcement agency para buwagin ang backbone ng mga malalaking drug distribution network sa bansa.
Nasabat sa dalawang drug suspect ang tinatayang walong kilo ng high-grade shabu na nagkakahalag ng P54 .4 milyong.