Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na wala silang itinatago sa mga datos na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ito ang tugon ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod naman ng hirit ni Internaational Criminal Court (ICC) Prosecutor Fatou Bensouda na imbestigahan ang anti-illegal drugs campaign ng bansa.
Ayon kay Eleazar, iyan ang dahilan kung bakit nila ibinigay ang mga datos na kanilang hawak sa Department of Justice (DOJ) upang isailalim sa malalimang pagbusisi.
Kumpiyansa ang PNP Chief na lalabas din ang katotohanan sa pagkamatay ng mga drug suspect tuwing magkakasa sila ng operasyon kung saan, may nalalagas din naman sa kanilang hanay.
Mariing itinanggi naman ni Eleazar ang mga alegasyon ni Bensouda na basta-basta na lang pumapatay ng inosente ang mga pulis.
Giit ng PNP Chief, mahigpit ang atas sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ang tama sa pagkakasa ng mga operasyon subalit ipagtanggol ang sariling kung sa tingin nila’y nalalagay na sa alaganin ang kanilang buhay. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)