Pinapurihan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa matagumpay na operasyon nito laban sa terroristang grupong Abu Sayyaf.
Ito’y makaraang mapatay ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang apat, kabilang na ang dalawang financial conduit ng terroristang grupo, sa kanilang tahanan sa Better Living Subdivision sa Parañaque City nitong Biyernes, Hunyo 26.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, hindi nila tatantanan ang mga terroristang nagnanais samantalahin ang pandemiya ng COVID-19 para makapaghasik ng karahasan.
Tiniyak din ni Gamboa na handa ang kanilang hanay para hadlangan ang anumang masamang balak ng mga terrorista na layuning guluhin at sirain ang umiiral na kaayusan at kapayapaan sa bansa.