Aprubado na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang recruitment para punuan ang nasa mahigit apatnaraang posisyon sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa resolusyong inilabas ng NAPOLCOM, binuksan nila ang recruitment sa PNP partikular para sa mga doktor, abogado at it experts bilang bahagi ng lateral entry sa police service.
Kabilang sa mga kinakailangan ng PNP ay nasa 163 doktor para sa health service; 20 medico legal para sa crime laboratory at 100 legal officers para sa legal service.
Kailangan din ng PNP ng 150 information technology experts para naman sa kanilang IT management service at Anti-Cybercrime Group (ACG).
Nagpasalamat naman si PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa NAPOLCOM dahil malaking tulong ito sa kanilang pagtugon sa COVID-19 pandemic gayundin sa kanilang kampaniya kontra krimen.