Aminado ang Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang pangamba na gumanti ang mga terorista matapos nilang maaresto ang leader ng Abu Sayyaf na si Idang Susukan sa Davao City.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. General Bernard Banac, may natanggap na silang intelligence information sa Sulu bombings subalit walang direktang impormasyon hinggil sa nangyaring pag-atake kung saan 15 katao ang nasawi kabilang ang pitong sundalo.
Muling nagpahayag ng suporta ang PNP sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isailalim sa martial law ang Jolo, Sulu.
Sinabi ni Banac na sa pamamagitan ng martial law, mas mapapalakas ang pagpapatupad ng anti-terrorism law.
Samantala, umaasa si Banac na hindi makaka-apekto sa relasyon nila sa AFP ang insidente ng kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Una nang sinabi ng militar na ang dalawang suicide bombers na sangkot sa pagsabog ay ang mga tinutugis ng apat na intelligence officers na pinagbabaril at napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu noong ika-29 ng Hunyo.