Nanindigan ang hepe ng Concepcion Municipal Police Station sa Tarlac na ligal at hindi naabuso ang mga inarestong magsasaka at land reform advocates na tinaguriang ‘Tinang 92’.
Magugunitang hinuli ang mga nasabing magsasaka at land reform advocates sa isang bukid sa barangay Tinang noong Huwebes.
Ayon kay Concepcion Municipal Police Chief, Lt. Col. Reynold Macabitas, kinausap nila nang maayos ang mga naaresto at nagkaroon din ng ilang negosasyon upang pakiusapang itigil na nila ang paninira sa tubuhan.
Gayunman, hindi anya itinigil sa halip ay nagmatigas pa ang mga magsasaka at sinira ang property ng complainant.
Walo sa 91 ang napalaya na para sa karagdagang imbestigasyon at ang nalalabing 83 ay mananatili sa kustodiya ng PNP habang hindi pa nakakapagpiyansa.
Samantala, 12 lamang mula sa 83 na sinampahan ng kaso ang lehitimong magsasaka at karamihan sa mga nahuli ay galing sa ibang lugar, partikular na sa Metro Manila.