Nanindigan ang PNP o Philippine National Police na wala namang pangangailangan para bigyan sila ng anumang bagay o regalo kapalit ng pagtupad nila sa tungkulin
Iyan ang binigyang diin ni PNP Spokesman, Police B/Gen. Bernard Banac kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring tumanggap ng regalo ang mga pulis basta’t hindi ito magreresulta sa katiwalian
Paliwanag ni Banac, pera ng taumbayan ang kanilang sinusuweldo kapalit ng pagtupad sa kanilang mandato na gawing ligtas at mapayapa ang mga komunidad sa buong bansa
Bagama’t aminado si Banac na may mga hindi nagpapakilalang indibiduwal na nagpapadala sa kanila ng iba’t ibang regalo tulad ng pagkain bilang pasasalamat, sinabi nito na ipinamamahagi naman nila ang mga iyon sa mga detenido at mga barangay tanod sa halip na masayang
Malinaw aniya ang itinatakda ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards sa mga kawani ng pamahalaan na huwag tumanggap ng kahit anumang bagay mula sa publiko na siyang nagpapasuweldo sa kanila
Dahil dito, hindi aniya sila mangingiming kastiguhin ang sinumang opisyal at kawani ng pulisya na gumagawa ng iligal at kung mapatutunayang tumatanggap ang mga ito ng suhol kapalit ang isang pabor