Hindi pa rin natinag ang pamilya Parojinog sa kanilang operasyon na may kinalaman sa iligal na droga kahit pa pinangalanan na sila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y ayon kay C/Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City PNP o Philippine National Police kaya’t maituturing nilang Special Mission ang ginawang raid kasama ang mga tauhan ng CIDG Region 10.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Espenido na kailangan nilang isilbi ang search warrant sa madaling araw upang maiwasan na may madamay na mga sibilyan sakaling magka-engkuwentro.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni C/Insp. Jovie Espendio, hepe ng Ozamiz City PNP
Kasunod nito, nanindigan si Espenido na lehitimo at walang nilalabag na batas ang kanilang isinagawang operasyon.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni C/Insp. Jovie Espendio, hepe ng Ozamiz City PNP
DILG hindi na magsasagawa ng imbestigasyon
Nagpasya ang DILG o Department of Interior and Local Government na hindi na magsagawa ng imbestigasyon.
Kaugnay ito sa ginawang operasyon at paghahain ng search warrant ng PNP Region 10 at ng Ozamiz PNP kung saan, napatay si Mayor Reynaldo Parojinog, asawa nito at iba pa.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Ricojudge Echiverri, sapat ang mga hawak na ebidensya ng pulisya kaya sila naghain ng maraming search warrant laban sa pamilya Parojinog.
Una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya na umayos at talikuran na ang maling gawain lalo na ang pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga.
Operasyon ng iligal na droga sa Ozamis City hindi pa pilay – PNP
Hindi pa matiyak ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung napilay na nila ang operasyon ng iligal na droga sa Ozamiz City.
Ito’y ayon kay Dela Rosa ay kahit napatay na ng kanilang mga tauhan ang itinuturong utak ng iligal na operasyon na si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na una nang tinukoy ni PANGULONG RODRIGO DUTERTE.
Ayon sa PNP Chief, posibleng may umusbong pa muli na iba pang operator ng droga sa lungsod tulad ng nangyari sa Western Visayas makaraang mapatay naman ang mag-asawang Odicta.
Maliban dito, sinabi ni Bato na hinahanap pa nila si Misamis Occidental Board Member Ricardo Parojinog na wala sa tahanan ng pamilya nang isibilbi ang search warrant at nauwi sa engkuwentro.