Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang nilabag ang kanilang mga tauhan sa pag-aresto sa isang health worker na si Natividad “Naty” Castro noong Biyernes, Pebrero a-18 sa bahay ng kaniyang kapatid sa San Juan City.
Kasunod ito ng naging pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) kung saan, sinabi ni Commissioner Karen Gomez na hindi naging patas at hindi sumunod sa guidelines ang PNP dahil walang pangalan kung sino ang Lead Officer ng arresting team.
Bukod pa dito, ibinulgar din ng CHR na iba rin ang pangalan na nakasaad sa inihaing arrest warrant kumpara sa mismong pangalan ni Castro.
Ayon kay Caraga Police Regional Director, BGEN. Romeo Caramat Jr. nasa proseso ang ginawang pag-aresto kay Castro bilang pagtalima sa Police Operational Procedures maging ang mga nakasaad sa batas kung paano ang tamang pag-aresto sa karapatang pantao.
Nilinaw ni Caramat na kanilang inaresto si Castro base sa inilabas na warrant arrest ng Korte Suprema at hindi ang warrantless arrest ng kanilang ahensya.
Iginiit ni Caramat na wala ring violations sa pag-aresto dahil mayroong babaeng pulis na nakasuot ng uniporme ng PNP ang umaresto sa doktor na itinuturing miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP-NPA).
Sa ngayon, dinala si Castro sa Bayugan City Jail sa Agusan del Sur dahil doon naka-file ang kanyang kasong Kidnapping at Illegal detention. —sa panulat ni Angelica Doctolero