Aabot sa 52 milyong pisong kita mula sa Small Town Lottery o STL ang ipinamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO sa tatlong ahensya ng Pamahalaan partikular na ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Commission on Higher Education.
Kanina, personal na ini-abot ni PCSO General Manager Royina Garma ang tseke kina P/Col. Alejandra G. Silvio ng PNP Finance Service, NBI Deputy Director Atty. Eleanor Rachel M. Angeles bilang tulong sa pagtugon ng mga nabanggit na ahensya laban sa COVID-19 pandemic.
Tinanggap din ni Patrick James Arao ng CHED ang mahigit 21 milyong pisong pondo para sa komisyon para tulungang palakasin ang edukasyon ng mga mahihirap na kolehiyo salig sa itinatadhana ng Republic Act 7722 o ang Higher Education Act of 1994.
Binigyang-diin ni Garma ang pondong kanilang ibinigay sa tatlong ahensya ng Pamahalaan ay hinango mula sa sapi o shares ng kanilang kinita sa Small Town Lottery o STL bilang katuwang nila sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Kasunod nito, hinikayat ni Garma ang publiko na suportahan ang mga laro ng PCSO upang makalikha ng mas maraming pondo para ilaan sa mga programang pangkalusugan, pagbibigay ng tulong medikal at kawang gawa sa mga kapus-palad na kababayan.