Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi scripted ang ginawang pagsuko kahapon sa Camp Crame ng driver ng SUV na sumagasa sa isang security guard na si Christian Joseph Floralde sa Mandaluyong City.
Kasunod ito ng natatanggap na komento ng ahensya kung saan, binigyan umano ng special treatment ng PNP ang suspek na si Jose Antonio San Vicente.
Matatandaang iniharap ni PNP Officer-in-Charge Plt. Gen. Vicente Danao Jr. si San Vicente kasama ang kanyang abugado at magulang sa isang press conference sa Camp Crame para magpaliwanag sa media.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nagkataon lamang na katatapos lang ng press conference ni PNP OIC Gen. Danao kaya naging mala-TV set up ang pagpresinta sa suspek.
Iginiit pa ni Fajardo na tanging si Danao lamang ang nakakaalam ng pagsuko ni San Vicente.
Una nang sinabi ng ina ng suspek, na nagdesisyon silang sumuko kay Gen. Danao matapos nilang mapanood sa balita ang ultimatum na inilabas ng PNP kung saan, sakaling hindi pa sumuko ang suspek ay mapipilitan na ang ahensya na magpalabas ng tracker teams para arestuhin ang San Vicente.