Dumistansya ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa nais ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y para gawing mala-martial law ang pagbabantay ng mga pulis sa panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis gayundin ang pagkakasa ng shame campaign sa mga pasaway na lumalabag sa quarantine protocols.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, ipatutupad lamang nila kung ano ang itinatadhana ng umiiral na batas gayundin ng mga pinagtibay na ordinansa sa bawat lokalidad.
Magugunitang si DILG Usec. Martin Diño ang naglatag ng naturang mungkahi dahil sa naka-a-alarma na aniyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero sa inilabas na direktiba ni Gamboa sa lahat ng mga pulis, mahigpit ang tagubilin nito na sumunod lagi sa code of conduct and ethical standards sa mga quarantine controlled points lalong-lalo na sa mga babae at nakatatanda.
Dapat din aniyang tumulong ang mga pulis sa pagpapatupad ng minimum health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng facemask, pagpapanatili ng physical distancing at pagbabawal sa malakihang pagtitipon sa mga panahong ito ng pandemya.