Agad sinibak ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang mga opisyal ng pulisya sa Sultan Kudarat maging sa mismong bayan ng Isulan sa naturang lalawigan.
Ito’y bunsod ng panibagong kaso ng pagsabog sa isang internet cafe sa Isulan proper kagabi kung saan, 2 na ang kumpirmadong patay habang nasa 14 ang naitalang sugatan.
Dahil dito, awtomatikong nasa floating status na sina Sultan Kudarat Provincial Director Senior Supt. Noel Kinazo at Isulan Chief of Police Chief Insp. Celestino Daniel.
Magugunitang tatlo ang nasawi nang pasabugan din ang isang tindahan sa kasagsagan ng isang pistahan noong isang linggo.
Kasabay niyan, sinibak din ni Albayalde ang Masbate Provincial Police Director na si Senior Supt. Froilan Navarosa.
Ito’y dahil sa isa pang insidente ng pagsabog sa pantalan ng Masbate kaninang madaling araw na ikalawang beses na mula buhat noong isang buwan.
Bagama’t sinasabing walang nasawi o nasugatan sa panibagong pagsabog sa pantalan, nawasak naman ang dalawang barko na ginagamit ng Philippine Army at Coast Guard para sa rescue operations.
Kasalukuyang nasa bansang Brunei si Albayalde para dumalo sa ika-38 ASEANAPOL Conference subalit posibleng mapaaga ang uwi nito dahil sa sunod-sunod na insidente ng pagsabog sa bansa.
—-