Bukas ang Philippine National Police sa anumang imbestigasyon sa kanila kaugnay sa kinukwestyong pagtaas ng bilang ng mga drug suspect na napapatay sa mga ikinakasang police operation.
Sa datos ng PNP, umaabot na sa 34 na suspected drug pushers ang napatay ng mga pulis sa kanilang operasyon simula nang manalo si President elect Rodrigo Duterte hanggang ngayong Hunyo.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, handa naman sila sakaling may maghain ng reklamo laban sa pulisya kaugnay sa bagay na ito.
Sa katunayan, sinabi ni Marquez na mayroong isinasagawang Moto Propio Investigation ang Internal Affairs Service at maging ang Human Rights Service ng PNP kapag mayroong casualties sa mga operasyon kahit hindi pa nagsasampa ng kaso ang pamilya ng mga napapatay na suspek.
Iginiit pa ng PNP Chief na hindi naman basta-basta papatay ang mga pulis kung hindi nanganganib ang kanilang buhay.
By: Meann Tanbio