Sang-ayon ang Philippine National Police o PNP na armasan ang mga pari at prosectors sa gitna ng sunud-sunod na nangyayaring karahasan o kaso ng pamamaslang laban sa mga ito.
Matatandaang nito lamang buwan ay napatay si Ombudsman Assistant Special Prosecutor Madonna Joy Ednaco-Tanyag matapos itong pagsasaksakin sa Quezon City habang pinagbabaril naman sa loob ng isang kapilya sa Nueva Ecija si Father Richmond Nilo bago ito magdaos ng misa.
Gayunman, ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, kailangan munang dumaan sa legal na proseso ang sinumang nais na magdala ng armas.
Mariin namang tinutulan ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang nasabing panukala.
Ayon kay CBCP President Archbishop Romulo Valles, bahagi ng kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng misyon ni Kristo ang maharap sa anumang panganib.
Sinabi naman Bishop Oscar Jaime Florencio, na ang pag-aarmas sa mga pari ay makapagdudulot lamang lalo ng kaguluhan at hindi nito mareresolba ang problema sa mga kaso ng patayan.
—-