Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na hindi nagpapabaya ang mga awtoridad sa umano’y patuloy na recruitment ng ISIS.
Ito’y matapos ipaalam ng PNP na may namo-monitor na silang pagre-recruit sa Luzon at Visayas ngunit kailangan pa itong beripikahin.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, may ginagawa ang kanilang hanay para tuluyang matuldukan na ang nasabing panghihikayat ng mga miyembro ng nasabing teroristang grupo.
Partikular aniya sa kanilang hakbang ay ang patuloy na pagbabahagi ng impormasyon na ginagawa sa pagitan nila ng Armed Forces of the Philippines o AFP at iba pang intelligence agencies.
Ipinabatid ni Dela Rosa na kumpirmado lang umano nila sa ngayon ay ang patuloy na recruitment ng ISIS sa Mindanao partikular sa lungsod ng Marawi kung saan naganap ang bakbakan sa pagitan ng Maute-ISIS terrorist group at tropa ng pamahalaan.
—-