Palalakasin pa ng Pamahalaan ang kampaniya nito kontra iligal na droga lalo’t inaasahang daragsa na naman ang mga biyahero’t turista kasabay ng pagluluwag dahil sa COVID 19.
Ito’y makaraang selyuhan ngayong araw ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Philippine National Police o PNP at Department of Tourism (DOT) ang isang memorandum of agreement para rito.
Ayon ay PDEA Director General Wilkins Villanueva, sa ilalim ng nasabing kasunduan, magtatatag sila ng task force na kung tawagin ay PDEA Tourism Operation Protection Against Illegal Drugs (PDEA TOP AID).
Layon nitong paigtingin ang programa kontra iligal na droga sa mga lugar na dinaragsa ng mga biyahero’t turista na siya namang target ng mga sindikato para pagbagsakan ng mga iligal na droga.
Binigyang diin ni Villanueva, maliban sa mga lokal na turista ay tututukan din nila ang mga banyaga dahil sa ito aniya ang madalas gamitin ng mga sindikato na magpasok ng iligal na droga sa bansa.
- ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)