Gagamit ng body cameras ang mga pulis na ide-deploy para sa gaganaping special elections sa labindalawang barangay sa Tubaran, Lanao del Sur sa Mayo 24.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Maj. Gen. Valeriano de Leon, nais nilang matiyak na maido-dokumento ang lahat ng galaw o operasyon ng mga alagad ng batas sa pagtugon at pagpapanatili ng kapayapaan at kredibilidad ng eleksiyon.
Itinalaga bilang Special Board of Inspectors ang mga pulis upang matiyak ang seguridad sa mga presinto at maharang ang posibleng pagkakaroon ng vote-buying at flying voters.
Sinabi ni de Leon na malaki ang maitutulong ng mga body-worn camera para masiguro ang transparency sa panig ng mga awtoridad at magamit laban sa mga magtatangkang manabotahe sa botohan.
Nabatid na ang mga gagamiting body cam para sa special elections ay kabilang sa mahigit tatlong libong body-worn camera na binili ng pambansang pulisya noong nakaraang taon. - sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)