Pinag – aaralan na ng Philippine National Police ang hirit ni Senate President Vicente Sotto na payagan si Senadora Leila De Lima na makapagdaos ng committee hearings sa PNP Custodial Center.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Benigno Durana, kinokonsulta na ng pambansang pulisya ang mga abogado nito hinggil sa nasabing kahilingan.
Sinabi ni Durana na batid nila ang kahalagahan ng mga isyung dapat matalakay ng komite ni De Lima ngunit may mga dapat pa ring ikunsidera bago ito isakatuparan gaya ng “security impications”.
Sa kanyang liham sa PNP, sinabi ni Sotto na dapat payagan na makapagdaos ng pagdinig si De Lima sa loob ng PNP Custodial Centre para matalakay na ang mga nakabinbing usapin ng kanyang hinahawakang komite na Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.