Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa love o romance scam na ang modus ay kaibiganin muna ang mga bibiktimahin.
Ito ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde ay para makaiwas sa mga scammer na layong makakuha ng pera at hindi mabiktima ng identity theft.
Inihalimbawa ni Albayalde ang isang kaso kung saan nabiktima ang isang lalaki na nagtatrabaho sa abroad na nakunan ng P600,000 ng dalawang taon.
Nakilala ang biktima na si Frederick Eguia habang ang Facebook account na umano’y naging girlfriend niya ay nasa pangalan ni Joan May Cruz gayung ang totoong tao na na nasa likod at ka-chat ni Frederick ay si Angelika Miguel.
Naaresto ng mga otoridad ang pitong suspek na nasa likod ng nasabing scam.
Isang babae rin ang nabiktima ng identity theft nang gamitin ang kaniyang larawan bilang pang-akit sa biktima.
Inamin ni Albayalde na trend o uso ang hacking sa panahon ngayon dahil na rin sa dami ng tao na gumagamit ng social media kaya’t umaapela ito sa publiko na tiyaking secured ang mga Facebook at iba pang social media accounts.